
Pinag-aaralan ngayon ng legal team ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang posibilidad na i-hold o tuluyang tanggalan ng pensyon ang ilang dating heneral.
Ito umano yung mga sangkot sa pag-uudyok ng pag-aaklas o sedisyon laban sa administrasyon.
Ayon kay Navy Spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, bilang mga dating opisyal ng pamahalaan na patuloy na tumatanggap ng pensyon mula sa gobyerno, may pananagutan pa rin silang ipagtanggol ang bansa at itaguyod ang katotohanan.
Sinabi rin ni Col. Frances Padilla, tagapagsalita ng AFP, na mali at malisyoso ang mga akusasyon sa umano’y P15 bilyong Tikas Project anomaly dahil ang AFP ay end user lamang ng proyekto.
Paliwanag niya, ang mga proseso mula bidding hanggang konstruksyon ng mga gusali at pasilidad sa ilalim ng TIKAS Project—gaya ng mga military barracks at ospital—ay pinangangasiwaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Dagdag naman ni Rear Admiral Trinidad, matapos ang rally noong Setyembre 21, ay dumami at tumindi ang mga pag-atake sa social media laban sa AFP, kabilang na ang mga pekeng balitang nag-uugnay sa korapsyon.
Hinikayat niya ang publiko na maging mapanuri at huwag basta maniwala sa maling impormasyon.
Sa kabuuang 900 proyekto ng DPWH para sa AFP sa ilalim ng TIKAS program, 600 na ang naiturn-over sa kasalukuyan.









