Tiniyak ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na tuloy pa rin ang nakatakdang pagdaos ng 2019 Southeast Asian (SEA) games sa darating na Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 sa New Clark City, sa Pampanga.
Ito ay sa kabila ng hindi maipasa-pasang pambansang pondo para sa taong kasalukuyan.
Paliwanag ni Arroyo, maaaring gamitin ang savings ng gobyerno.
Iginiit din ni Arroyo na hindi ang kamara ang nagtapyas ng pondo para sa SEA games.
Kaugnay dito, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na sisiguraduhin nila na mayroong budget para sa nasabing paligsahan.
Una nang sinabi ng ahensya na tuloy-tuloy pa rin ang konstruksyon ng mga pasilidad-pampalakasan dahil ito ay nasa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) agreement.
Unang nang naglaan ng budget ang gobyerno ng P7.5 Bilyong para sa SEA games pero binawasan ito sa P5 Bilyong na lamang sa kasagsagan ng pagtalakay sa National Budget.