Tutol si Senator Imee Marcos sa panukalang i-invest ang pension fund ng GSIS at SSS sa lilikhaing “Maharlika Investment Fund” Bill.
Ang panukala na isinusulong sa Kamara ng kanyang pamangkin na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos at pinsang si Speaker Martin Romualdez ay may layong ipuhunan ang sobrang kita ng gobyerno para lumago at dito ay maglalaan ng paunang puhunan na ₱250 billion kung saan ₱200 billion dito ay huhugutin sa pondo ng mga pensyonado ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS).
Ayon kay Sen. Marcos, ‘high risk’ ang isinusulong na Maharlika fund lalo’t batay sa World Bank, bagsak ang ekonomiya sa 2023 bukod pa sa problema na lalong tumataas ang utang ng bansa.
Dagdag ng senadora, marami ring pagkakautang na benepisyo ang bansa tulad sa mga health workers at senior citizens.
Nababahala si Marcos na kung gagalawin ang pension fund para mamuhunan at kumita ang pamahalaan sa ilalim ng Maharlika fund ay nangangambang matulad ito sa naubos na pensyon ng mga retirado sa Armed Forces and Police Savings & Loan Association, Inc. (AFPSLAI).
Hindi rin aniya dapat mangopya ang Pilipinas sa Norway na siyang pinagbatayan ng ginawang template sa isinusulong na sovereign fund dahil may iba silang napagkukunan ng saganang pondo na oil at gas profits.