Inirekomenda ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong sa Inter-Agency Task Force (IATF) na mag-isyu ng ‘special identification cards’ o ‘exemption passes’ sa mga mag-asawa o mga magkakamag anak para payagan na ang pag-angkas sa motorsiklo sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Giit ni Ong, dapat na ikunsidera rin ng IATF ang sakripisyo at hirap ng publiko dahil sa kawalan ng public transport.
Ikinatwiran pa ng kongresista na kahit ipagbawal ng IATF ang back-ride kahit sa mga magkakamag-anak dahil sa pangamba na baka makakuha ng virus ang kaanak habang nasa trabaho ay hindi naman maiiwasan na magkaroon ito ng contact sa pamilya sa oras na makauwi ng bahay.
Bukod dito, mas magiging mahirap din ang pagsasagawa ng contact tracing kung ang isang kaanak na infected na ng COVID-19 ay sumasakay pa sa public transport sa halip na sa motorsiklong minamaneho ng kapamilya.
Naniniwala si Ong na “win-win solution” kung papayagan na ng IATF ang back-riding sa mga magkakapamilya pero kailangan na mag-secure muna ng IDs o exemption pass na may larawan ng dalawang magkamag anak na sakay ng motorsiklo.
Maaaring humingi ang issuing agency ng Marriage Certificate o Barangay Certificate of Residency bilang patunay sa kanilang relasyon para mabigyan ng ID o exemption pass.
Nanawagan ang mambabatas sa IATF na bigyang konsiderasyon at unawain na hindi lahat ng mga kababayan ay may mga sariling kotse o may kakayahan na magbayad ng taxi o Transport Network Vehicle Services (TNVS) para maihatid ang kaanak sa pupuntahan ngayong hirap ang marami sa pagsakay sa pampublikong transportasyon.