Pag-IBIG Fund, nakapagtala ng mataas na savings at housing loans sa unang apat na buwan nitong taon

Kinumpirma ng Pag-IBIG Fund na nakamit nila ang mataas na record ng voluntary savings program at housing loan program mula nitong Enero hanggang Abril ng taong ito sa kabila ng pandemya.

Ayon kay Secretary Eduardo D. del Rosario ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at siya ring chairman ng 11-member Pag-IBIG Fund Board of Trustees, sa unang apat na buwan ng taong ito ay nakamit nila ang P8.65 billion na members savings sa ilalim ng voluntary Modified Pag-IBIG 2 (MP2) Savings program.

Habang ang housing loans na naipalabas nila mula Enero hanggang Abril ng taong ito ay umabot sa P27.39 billion.


Kabuuang 27,041 naman na Pag-IBIG members ang natulungan nila na matupad ang pangarap na magkaroon ng sariling bahay.

Iniulat naman ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Acmad Rizaldy P. Moti na sa harap ng COVID-19 pandemic, nakapagtala sila ng 81% na pagtaas sa MP2 Savings mula noong January hanggang April 2020.

Habang ang housing loan releases naman ng Pag-IBIG Fund sa kaparehong panahon ay tumaas sa 64%.

Tiniyak din ng Pag-IBIG Fund na lalo pa nilang pag-iibayuhin ang kanilang serbisyo para mabigyan ng mataas na earnings ang kanilang mga miyembro, habang sinisikap na mapanatili ang mababang interes sa kanilang mga pautang.

Facebook Comments