
Mas pinadali at lalong mas abot-kaya ang pag-avail ng dagdag na pondo
para sa mga miyembro ng Pag-IBIG na may housing loan, sa tulong ng
Home Equity Appreciation Loan o Pag-IBIG HEAL. Ito ay isa sa mga loan
programs ng Pag-IBIG Fund na nagbibigay sa mga kwalipikadong housing
loan borrowers na magamit ang halaga ng kanilang property upang
makakuha ng pondo para sa pagpaparenovate ng bahay o pagtugon sa iba
pang mahahalagang gastusin.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta, ang
Pag-IBIG HEAL ay isang praktikal at abot-kayang solusyon para sa mga
Pag-IBIG Housing Loan Borrowers. “Habang tumataas ang halaga ng kanilang
tahanan, maaari nilang magamit ito at mapagkunan ng pondo para sa
mahahalagang pangangailangan,” ani Acosta. Idinagdag pa niya, “Nauunawaan
naming hindi natatapos sa unang housing loan ang pangangailangang pinansyal
ng aming mga miyembro. Sa pamamagitan ng Pag-IBIG HEAL, mayroon silang
madali at abot-kayang paraan upang makakuha ng karagdagang pondo na maaari
nilang gamitin sa pagpapaganda ng kanilang tahanan, pagharap sa gastusin ng
pamilya, o pagtugon sa iba pang obligasyong pinansyal.”
Bukas ang Pag-IBIG HEAL para sa mga Pag-IBIG Housing Loan borrowers
na may accounts na hindi bababa sa limang taon. Sila ay dapat in good
standing, at dapat ay updated ang pagbabayad sa loob ng nakaraang
labindalawang buwan. Dapat ding aktibong miyembro ng Pag-IBIG Fund,
hindi lalampas sa 65 taong gulang, at may kakayahang bayaran ang
kanilang karagdagang loan.
Maaaring makahiram ng hanggang anim na milyong piso (Php 6 milyon)
ang isang kwalipikadong housing loan borrower, mula sa Pag-IBIG HEAL,
na nakabatay naman sa kanyang kakayahang magbayad o sa netong halaga
base sa 60% ng latest appraised value ng property ng borrower na nabili sa
tulong ng Pag-IBIG Housing Loan at balanse ng nasabing loan.
Para sa karagdagang impormasyon at para makapag-apply sa Pag-IBIG
HEAL, maaaring bumisita sa alinmang sangay ng Pag-IBIG Fund o i-click
ang link na ito: https://www.pagibigfund.gov.ph/ItsTimetoHEAL/ .









