Target nina presidential aspirant Panfilo “Ping” Lacson at vice-presidential candidate Senate President Vicente “Tito” Sotto III na limitahan sa 10 ang ieendorso nilang senatorial bet sa eleksyon sa Mayo.
Ayon kay Sotto, napagkasunduan nila ni Lacson na bawasan na ang numero ng kanilang mga ieendorsong senador.
Sa ambush interview sa kanilang political rally sa Tagum City, sinabi ni Sotto na mayroon na silang 10 kandidato na kapareho ng kanilang mga adbokasiyang isinusulong.
Tumanggi naman muna si Sotto na banggitin ang 10 kandidato kasabay ng pagtiyak na ang kanilang mga napili ay nakitaan na nila ng loyalidad sa kanilang tandem.
Ang pahayag ay ginawa ni Sotto kasunod ng pagbawi nila sa kanilang endorsement sa mga Nationalist People’s Coalition members na sina dating Quezon City Mayor Herbert Bautista at Senator Sherwin Gatchalian.
Sa original na line up nina Lacson-Sotto, 15 senatoriables ang kanilang ineendorso para sa halalan.
Sa unang listahan na inilabas ng tandem, kasama sa kanilang ineendorso sina re-electionist Senators Richard Gordon, Joel Villanueva at Juan Miguel Zubiri, dating Senators Francis Escudero, Gringo Honasan, JV Ejercito at Loren Legarda, dating Vice-President Jejomar Binay, dating Agriculture Secretary Manny Pinol, mga Partido Reporma members na sina Monsour del Rosario, Dra. Minguita Padilla at dating PNP Chief Guillermo Eleazar at Broadcaster Raffy Tulfo.