Pag-iiba ng mga salaysay ng ilang opisyal ng gobyerno, hindi makakaapekto sa imbestigasyon ng PCG

Nilinaw ng  Philippine Coast Guard (PCG)  na hindi makakaapekto sa kanilang isinasagawang  imbestigasyon  ang pag-iiba ng pahayag ng ilang opisyal ng gobyerno at ng mga mangingisdang Pilipino kaugnay sa insidente sa Recto Bank.

Una rito kahapon, lumambot si Defense Secretary Delfin Lorenzana at sinabing aksidente lamang ang nangyari sa Recto Bank, habang batay sa kapitan ng F/B Gem-Ver 1, hindi siya tiyak kung sinadya o aksidente ang umano’y pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangka ng mga Pilipino.

Ayon kay PCG Spokesperson Captain Armand Balilo,  na tapos na ang PCG at MARINA  sa pagkuha ng mga salaysay  sa mga mangingisdang sakay ng F/B Gem-Ver 1.


Paliwanag ni Balilo, isinalaysay ng mga mangingisda ang kanilang mga nalalaman at karanasan nang lumubog ang bangkang sinasakyan nila at pag-abandona sa kanila ng mga sakay ng Chinese vessel.

Tinitiyak naman ni Balilo na patas ang imbestigasyon ng PCG at MARINA, para na rin malaman ng lahat ang buong katotohanan sa likod ng naturang kontrobersya na usapin.

Giit ni Balilo hindi pa nito masasabi kung kailan ilalabas ang resulta ng imbestigasyon, pero muli nitong sinabi na halos patapos na ang joint investigation ng PCG-MARINA.

Facebook Comments