Ipinalilipat ni Senator Risa Hontiveros sa ibang ahensya ang pangunguna sa pag-iimbestiga sa naging aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Hinimok ni Hontiveros ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ilipat sa ibang ahensya ang pagsisiyasat sa naging problema sa air traffic system ng paliparan dahil may “conflict of interest” dito ang CAAP.
Paliwanag ng senadora, nasa ilalim ng CAAP ang Air Traffic Management Center na nangangasiwa sa air traffic control system na siyang nagka-problema kaya paralisado ang buong operasyon ng NAIA noong Enero 1.
Sinita rin ni Hontiveros ang tila pabago-bagong dahilan ng CAAP sa naging sanhi ng aberya na hanggang ngayon ay mismong silang mga opisyal ay wala pa ring ideya sa kung bakit ito nangyari.
Pinuna rin nito ang agad na pagsasabi ng CAAP na malabong cyber-attack ang insidente gayong wala pa naman palang imbestigasyon patungkol sa cyber-attack dahil sa kakulangan ng ilang mga kagamitan.
Ang kalalabasan pa aniya nito ay may kapabayaan at walang kakayahan ang CAAP at dapat aniyang may kasuhan dito.