Pag-iimprenta ng mga balota para sa BSKE, matatapos na

Inihayag ng Commission on Elections (COMELEC) na malapit nang matapos ang pag-iimprenta ng mga balota para sa October 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa datos ng COMELEC, nasa 49,599,193 barangay ballots, o 74.06% ang naimprenta na para sa 15 rehiyon mula sa 66,973,949 balota na planong iimprenta.

Ang mga lugar na natapos na sa pag-imprenta ng balota ay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Caraga, Central Visayas, Batanes, Davao Region, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula at Silangang Visayas.


Hindi pa naman nagsisimula ang pag-iimprenta ng mga balota para sa National Capital Region (NCR) at Region 3 o Central Luzon.

Nabatid na ang COMELEC ay nagsimulang mag-imprenta ng mga balota noong Setyembre 2022.

Samantala, isinagawa naman ang final testing at sealing ng 400 vote counting machines (VCMs) na gagamitin para sa special election sa pagka-kongresista sa ika-pitong distrito ng Cavite sa susunod na linggo.

Gaganapin ang special polls sa munisipalidad ng Amadeo, Indang, at Tanza gayundin sa Trece Martirez City.

Itinakda ang special elections sa nasabing distrito matapos maitalaga bilang Justice secretary si dating Rep. Jesus Crispin Remulla.

Facebook Comments