ROAD ACCIDENTS, NANGUNANG DAHILAN NG 911 CALLS SA PANGASINAN NOONG 2025; IBAYONG PAG-IINGAT SA KALSADA, PINAALALA NG PDRRMO

Nanguna ang mga aksidente sa kalsada bilang pangunahing dahilan ng mga tawag sa Pangasinan 911 noong 2025, dahilan upang muling ipaalala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang kahalagahan ng ibayong pag-iingat at responsableng pagmamaneho sa mga lansangan.

Batay sa tala ng Pangasinan 911, umabot sa 286 emergency calls ang may kaugnayan sa vehicular accidents sa loob ng taon, mas mataas kumpara sa iba pang uri ng insidente.

Ipinapakita nito ang patuloy na banta ng mga aksidente sa kaligtasan ng mga motorista, pasahero, at pedestrian sa lalawigan.

Ayon sa PDRRMO, mahalagang maging maingat sa pagmamaneho, sumunod sa mga batas trapiko, at panatilihing nasa maayos na kondisyon ang mga sasakyan upang maiwasan ang aksidente.

Binibigyang-diin din ang disiplina sa kalsada, lalo na sa mga pangunahing daan at accident-prone areas.

Samantala, pinaalalahanan ang publiko na sa oras na makasaksi ng aksidente, manatiling kalmado at unahin ang sariling kaligtasan bago tumawag sa 911 hotline at magbigay ng malinaw at tamang detalye ng insidente.

Hindi rin pinapayuhan ang agarang paggalaw sa mga nasugatan maliban kung may agarang panganib, at iwasan ang pagdagsa ng mga tao at pagkuha ng video sa lugar ng insidente.

Patuloy ang paalala ng mga awtoridad na ang agarang pag-uulat sa pamamagitan ng 911 at ang kooperasyon ng publiko ay mahalaga upang mabilis na makaresponde ang mga emergency team at maiwasan ang mas malalang pinsala o pagkawala ng buhay.

Facebook Comments