Hihigpitan na ng Department of Agriculture (DA) ang pag-iinspeksiyon sa mga cattle meat at meat by products na pumapasok sa Pilipinas mula sa ibang bansa.
Kasunod ito nang ipinatupad na temporary ban sa importasyon ng cattle meat products mula sa United Kingdom bunsod ng kumakalat na panibagong uri ng “mad cow disease” na pinangangambahang kumalat sa iba pang mga bansa.
Sa ilalim ng Memorandum Order 20, pansamantalang ipagbabawal ang lahat ng live cattle, meat at iba pang meat products; bovine processed animal proteins; at cattle semen mula sa nabanggit na bansa para masigurong malayo sa banta ng anumang uri ng sakit ang local livestock industry at maging sa mga consumer.
Tiniyak ng kagawaran ang mahigpit na pagbabantay sa lahat ng pantalan at paliparan upang hindi makapasok sa bansa ang infected meat products upang maging ligtas ang publiko sa pagkain ng karne ng baka.