Inihahanda na ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang arrest order laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Matatandaang kahapon, bukod sa ipinasa-cite in contempt na si Guo matapos nitong dedmahin ang subpoena ng Senado ay inaprubahan din ng komite ang mosyon na arestuhin na rin ang suspendidong mayora para mabitbit at maiharap sa imbestigasyon ng Senado patungkol sa mga criminal activities ng mga POGO.
Batay sa tanggapan ng komite, kasalukuyan na nilang ginagawa at inaayos ang iisyung arrest order laban kay Guo.
Nauna na ring nagpahayag si Senate President Chiz Escudero na agad niyang lalagdaan ang arrest order oras na maisumite na ito sa kanya.
Hindi tinanggap ng komite ang katwiran ni Guo sa hindi pagsipot sa pagdinig na apektado ang kanyang mental health at may banta na siya sa buhay.
Bagama’t wala pa ulit petsa ay inaasahang maihaharap na sa susunod na imbestigasyon si Guo kasama pa ng ibang inimbitahan tulad ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na itinuturong tumulong at nagabogado para sa mayari ng POGO sa Porac, Pampanga at dating PAGCOR Chairperson Andrea Domingo.