Naglabas na ng Clarificatory Guidelines ang Department of Agrarian Reform (DAR) tungkol sa pag-iisyu ng identification cards sa mga Agrarian Reform Beneficiaries sa buong bansa.
Ayon kay DAR Secretary John Castriciones, layon ng pag-iisyu ng ARB IDs upang makatiyak na makakatanggap ng benepisyo ang mga magsasaka sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.
Prayoridad din nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga benipisyaryong hindi pa lubos na nakatatanggap ng tulong sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) pati na rin ang mga kasama o mga nangungupahan na hindi pa pag-aari ang kanilang lupang sinasaka.
Paglilinaw ng DAR na ang pamamahagi ng mga ARB IDs ay ibabase sa master list ng mga rehistradong ARBs mula 2016-2019 na nakatanggap na ng rehistradong emancipation patents (EPs), Certificates of Landownership Award (CLOAs), at iba pang titulong nasa ilalim ng kahit anong Agrarian Reform Program.
Sabi pa ni Castriciones, kasama rin sa mabibigyan ng ARB IDs ang mga benepisyaryong nakalista sa masterlist bago mag-2016 at nakatanggap na ng EPs at CLOAs ngunit hindi pa nailuluklok sa kanyang lupain.
Kasalukuyan nang pinoproseso at pinamamahagi ng ahensiya ang 352,511 ARB IDs para sa farmer beneficiaries sa buong bansa.