Naniniwala si Senator Pia Cayetano na mga sindikato ang nasa likod ng pag-iisyu ng mga lehitimong Philippine passports sa mga dayuhan.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan tumatayong Chairman si Sen. Pia, lumalabas na may mga lugar na maraming nagpa-register ng late birth o kung kailan matatanda na ay saka pa lamang nagparehistro para sa birth certificate at ibinebenta sa mga dayuhan para makakuha ang mga ito ng lehitimong Philippine passport.
Lumalabas din na karamihan sa mga gumagamit ng lehitimong birth certificate at Philippine passport ay mga Chinese na sa POGO nagtatrabaho at napag-alaman na kapag may birth certificate at pasaporte sa bansa na hawak ang isang dayuhan ay makabibili ang mga ito ng lupa sa Pilipinas.
Tinukoy pa ni Sen. Pia na mataas ang risk ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na dinoktor ang birth certificate at passport dahil posibleng hindi sila makalabas ng bansa kapag lumabas sa system na makailang beses nang bumyahe sa abroad.
Paalala ng senadora, bukod sa krimen ang pandodoktor ng mga dokumento ay hindi na rin nila makakamit ang mga bagay na gusto nila sa buhay dahil sa pamemeke ng mga dokumento.