Mariing kinontra ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee ang pag-iisyu ng papel na driver’s license sa harap ng kakapusan ng plastic na drivers’ license cards.
Giit ni Lee, sapat na ang official receipt dahil magiging dagdag gastos at pagsasayang ng pera kung mag-print pa sa papel ng temporary driver’s license.
Diin ni Lee, Hindi ‘unli’ ang pera ng pamahalaan kaya hindi sagot sa problema ng driver’s license ang pagsasayang ng milyon-milyong papel, ink, kuryente at effort sa pag-print ng mga ito.
Panawagan ni Lee sa Land Transportation Office o LTO at sa iba pang card-issuing agencies, kung kaya naman nang patunayan ng official receipt ay huwag nang gumawa ng temporary card.
Bunsod nito ay isinulong din ni Lee na mabigyan ng mas malaking pondo ang LTO upang maresolba nito ang mga problemang kinahaharap tulad ng kawalan ng plastic para sa driver’s license at backlog sa license plate.