Pag-iisyu ng vaccine passport, solusyon sa hindi pagkilala ng ibang bansa sa vaccination cards na ipiniprisinta ng mga Pilipino

Isinulong ni Senator Grace Poe ang pag-iisyu ng vaccine passport sa mga fully vaccinated na una niyang iginiit na maipaloob sa Bayanihan 2.

Ito ang nakikitang solusyon ni Poe makaraang hindi kilalanin sa Hongkong ang dalang vaccine card ng mga Pilipino na nagtutungo doon.

Ang mungkahing vaccine passport ni Poe ay isang standard vaccine card na may central database at maaring may QR code at kaukulang safety features para mabilis maberepika at maiwasang mapeke.


Diin ni Poe, makatutulong ang vaccine passport mula sa kinauukulang ahensya ng gobyerno para maging mabilis ang pagbiyahe sa abroad ng ating mga kababayan.

Paliwanag pa ni Poe, paraan din ito sa pag-verify ng mga local establishment kung authentic o totoo ang vaccine card ng isang customer.

Dagdag pa ni Poe, makakatulong din ito para ligtas na ma-accommodate ng mga business establishment ang mas maraming customers na bakunado na siyang magiging daan ng transition patungong new normal.

Facebook Comments