Pag-imbak sa mahigit 3 milyong libro, idinepensa ng DepEd

75

Manila, Philippines – Sinadya ng Department of Education o DepEd na iimbak ang mga libro para gamiting reserba sa panahon ng kalamidad, pamalit sa sakaling may masira o mawalang libro at pandagdag kapag tumaas ang bilang ng enrollees sa mga paaralan.

Ito ang paliwanag ni Education Secretary Leonor Briones sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education na pinamumunuan ni Senator Win Gatchalian.


Sa pagdinig ay kinuwestyon ang DepEd kaugnay sa 2018 report ng Commission on Audit (COA) na nakita sa maduming bodega ang 3.5 million na textbooks at instructional materials na binili raw sa halagang 113 million pesos mula 2014 hanggang 2017.

Paliwanag ni Briones, alinsunod ito sa kanilang patakaran na mag-imbak ng 10 porsyento ng kanilang mga libro.

Diin pa ni Briones, naipamahagi naman ang DepEd ang 81 milyon na mga aklat at masyado lang pinalaki sa mga report ang hinggil sa mga nakaimbak na textbooks.

Samantala, pinalagan naman ni Briones ang pakikialam ng COA sa istilo ng pagsusulat at mga salitang ginamit sa mga libro.

Facebook Comments

From Advertisers