Pag-imbestiga kung nagkaroon ng lapses ang imbestigasyon ng Makati Police sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera, iniatas ng PNP sa DIDM

Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Debold Sinas ang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM), para malaman kung nagkaroon ng lapses ang Makati City Police sa pag-imbestiga sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Ayon kay Sinas, mayroong hanggang ika-13 ng Enero ang DIDM para ipasa ang kanilang rekomendasyon at natuklasan sa isinagawang inisyal na imbestigasyon ng local police.

Ang imbestigasyon ay pangungunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na may superbisyon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Brigadier General Vicente Danao.


Kasabay nito, tiniyak ni Department of Justice (DOJ) Sec. Menardo Guevarra na hindi magtatagal o lalagpas ng isang linggo ay maipalalabas na ang forensic examination ng National Bureau of Investigation (NBI ) sa labi ni Dacera.

Tumanggi namang magbigay pa ng ibang detalye ang DOJ dahil hinihintay pa nila ang naging resulta.

Sa ngayon, aabot na sa 11 respondents sa kaso ni Dacera ang umaapela ng donasyon sa publiko para may pambayad sa kanilang mga abogado.

Ayon kay Valentine Rosales, na isa sa malapit na kaibigan ni Dacera, hirap siya at ang kanyang mga kaibigan na magbayad para sa abogado na tutulong para depensahan ang kaso.

Umani naman ito ng libo-libong re-tweet at likes matapos lumabas sa publiko.

Facebook Comments