Plano ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso na imbestigahan ang nakapanlulumong sinapit ng tatlong mangingisda na nasawi matapos na banggain ng isang foreign vessel ang kanilang bangkang pangisda sa bahagi ng Bajo de Masinloc.
Ayon kay Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald “Bato” dela Rosa, maghahain sila ng resolusyon sa Senado para maimbestigahan kung sino talaga ang responsable sa nangyaring insidente.
Hindi aniya maiiwasan na magduda ang publiko sa nangyaring insidente sa ating mga mangingisda at kahit sinong marumi ang pag-iisip ay puwedeng maghinala na mayroon pang mas malalim na pangyayari sa naganap na trahedya.
Bilang mambabatas, sinabi ni dela Rosa na mahalagang tingnan ang lahat ng anggulo sa nangyaring insidente.
Hindi iniaalis ng senador ang posibilidad na maaaring ang nasa likod ng nangyaring insidente sa mga mangingisda ay kagagawan ng bansang may galit sa Pilipinas.
Posibleng ipatawag o paharapin sa gagawing imbestigasyon ng Senado ang may-ari ng kumpanya ng barkong nakabangga sa mga mangingisda.
Dagdag pa ni dela Rosa, kailangang gawin ang lahat ng legal na remedyo o paraan upang mabigyang linaw ang nangyaring insidente, mabigyang hustisya ang pamilya ng mga biktima at mapanagot ang mga may sala.