Nanindigan ang Malakanyang na mayroong hurisdiksyon ang Commission on Audit (COA) para imbestigahan ang pondo ng Philippine Red Cross (PRC).
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, batay sa Article 9 ng Konstitusyon, maaring makapagsagawa ng post audit ang COA sa lahat ng accounts ng non-government entities na nakakukuha ng subsidy, equity sa gobyerno.
Nakapaloob din aniya sa Republic Act No. 10072 o Philippine Red Cross Act of 2009 na dapat magsumite ang PRC ng annual report sa pangulo ng bansa kaugnay sa activities at financial condition ng organisasyon.
Nakasaad din sa batas na honorary president ng Red Cross ang nakaupong pangulo ng bansa.
Paliwanag pa ni Roque, isa sa mga dapat na busisiin sa PRC ang COVID-19 Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing at memorandum of agreement (MOA) sa mga alkalde ng Metro Manila at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
“Malinaw kasi po na nakalagay sa PRC Charter na hindi ito maaaring kumita habang ginagampanan nito ang kaniyang mandato. Ang advance payment clause sa MOA ay klarong paglabag sa PRC Charter at Bayanihan to Heal as One Act kung saan reimbursement in the distribution of goods and services ang pinapayagan – ‘reimbursement,’ wala pong advance payment.” pahayag ni Roque
Iginiit din ni Roque na simula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016, walang isinusumiteng report ng financial condition ang PRC.