Manila, Philippines – Ikinatuwa ni Senator Bam Aquino ang pagkilala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pangangailangan na mapaganda ang sektor ng telekomunikasyon sa ating bansa sa pamamagitan ng kumpetisyon.
Subalit giit ni Senator Bam, hindi dapat ilimita ni Pangulong Duterte sa iisang bansa o sa China lamang ang imibitasyon para maging dagdag na telco player dito sa Pilipinas.
Ayon kay Senator Aquino, mayroon din mga kumpanyang galing Japan at Korea na gustong pumasok sa ating industriya ng telco.
Samantala, itinuturing ni Senator Grace Poe na isang welcome development ang pagpasok ng mga kwalipikadong dayuhang players sa telco market ng ating bansa na tiyak magkakaloob ng magandang serbisyo para sa consumers.
Gayunpaman, ipinalala ni Senator Poe na bawal sa umiiral na batas natin ngayon ang mga foreign players na solong magpatakbo ng kanilang negosyo.
Bunsod nito ay inihain ni Senator Poe ang senate bill number 1441 na mag-aamyenda sa public service act para maging malaya ang mga dayuhang kompanya na makapagnegosyo sa bansa.