Nagbabala ang Department of Health (DOH) laban sa pag-inom ng anti-inflammatory drug Colchicine laban sa COVID-19.
Bagama’t naniniwala ang mga doktor sa Canada na ito ay epektibo laban sa virus, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan pa rin ng sapat na ebidensya upang matiyak ito.
Paalala pa ni Vergeire sa publiko, antayin ang guidelines ng DOH kung ang Colchicine ay maaaprubahang off-label medicine para sa COVID-19.
“Atin pong pakinggan ang payo ng Department of Health, antayin po ninyo na makapagpalabas kami ng specific na guidelines kung saka-sakali nga pong papayagan nating gamitin ito para sa ating populasyon. Sa ngayon po wala pa po tayong binibigay na advise para gamitin na ito para sa COVID-19.” saad ni Vergeire.
Sabi pa ni Vergeire, kung saka-sakaling gagamitin ito, hindi itong pwedeng bilhin over the counter at inumin sa bahay.
Kakailanganin din aniya ang supervision ng ating mga doktor bago ito gamitin at maaaring sa ospital lang ibigay.