
Hihilingin ni Senate President Tito Sotto III kay Pangulong Bongbong Marcos na sertipikahan “as urgent” ang panukalang magtatatag ng Independent People’s Commission (IPC) o ang Senate Bill 1215.
Layunin ng pag-certify as urgent ng panukala na tiyaking magpapatuloy at magiging permanenteng batas na ang Executive Order na inisyu ni Pangulong Bongbong Marcos na bumuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na magiimbestiga sa maanomalyang flood control projects ng gobyerno.
Titiyakin din na ma-institutionalize ang oversight power ng IPC at maiwasan na maulit ang ganitong iregularidad sa hinaharap.
Sa ilalim ng IPC, hindi lang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang sisiyasatin kundi pati ang mga infrastructure programs ng ibang ahensya tulad ng Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), at iba pa.
Naniniwala si Sotto na ang katiwalian sa mga proyekto ay hindi lang sa mga kalsada at tulay nagaganap kundi posibleng talamak din ito sa mga ipinagagawang farm-to-market roads, ospital at paaralan.









