Pag-ipit sa Bayanihan 2 funds para sa agrikultura at turismo, binatikos ng mga senador

Binatikos ng mga senador ang hindi pagpapalabas ng pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) para sa agrikultura na nagkakahalga ng 24-billion pesos at 10-billion pesos sa sektor ng turismo.

Hindi katanggap-tanggap para sa mga senador ang katwiran ng Department of Budget and Management (DBM) na kaya hindi mailabas ang pondo ay dahil hindi pa nagsusumite ng requirements ang Department of Agriculture (DA) at Department of Tourism (DOT).

Naniniwala si Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi naman pabaya at mangmang sina Agriculture Secretary William Dar at Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat para hindi matugunan ang nabanggit na requirements.


Giit ni Drilon, dapat apurahin ang release ng pondo dahil ang bisa ng Bayanihan 2 ay hanggang December 19, 2020 lamang kasabay ng adjournment ng Kongreso at hindi maaaring palawigin pa.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, minadali nila ang pagpasa ng Bayanihan 2 para makatugon ang bansa sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Ipinunto ni Recto na sa pagka-delay ng pagpapalabas ng pondo ay atrasado rin ang pagbangon ng ekonomiya lalo na ang paghahatid ng tulong sa mga higit na nangangailangang pamilya, mga magsasaka, mangingisda, maliliit na negosyante at nawalan ng trabaho sa industrisya ng turismo.

Sabi ni Senator Nancy Binay, sayang ang pondo sa Bayanihan 2 kung hindi ire-release at hindi pakikinabangan ng mga pinaglaanan nito.

Facebook Comments