Sinisilip ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na masimulan na sa susunod na buwan ang pag-isyu ng COVID-19 vaccine certificates sa mga indibidwal na fully vaccinated na.
Ayon kay DICT Undersecretary Manny Caintic, pinamamadali na nila sa bawat local government units (LGUs) ang ginagawang encoding sa mga impormasyon ng mga residenteng nabakunahan na.
Aniya, binibigyan na lamang nila ang LGUs ng hanggang Hulyo 31 para makumpleto ang mga datos para sa Vaccine Information Management System (VIMS).
Pagkatapos nito, pwede na aniyang ilunsad ang vaccine certificate para magamit pag nagpunta ng ibang bansa.
Pagtitiyak pa ng DICT, sinusunod nila ang digital certificate standards ng World Health Organization (WHO) para masigurong kikilalanin ito sa abroad.