Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Nancy Binay sa Bureau of Immigration o BI na kanselahin nito ang mga inisyung Special Working Permit o SWP sa mga Chinese construction workers na nasa iba’t-ibang infrastructure projects sa Pilipinas.
Ayon kay Senator Binay, iligal at labag sa batas ang pagbigay ng BI ng SWPs sa mga Tsino, kaya dapat itong bawiin at simulan na ang pagkulong at pag-deport sa mga ito.
Dagdag ni Binay, hindi kasama sa pag-issue ng SWPs ang mga construction workers at iba pang trabahong may koneksyon sa manual labor.
Diin ni Binay, sa supplemental guidelines para sa SWP, ay ipinagbabawal ang mga banyagang construction worker, cashier, waiter, janitor, household worker, karpintero, garbage collector, security guard at warehouse caretaker.
Nais din ni Senator Binay na inspeksyunin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga construction sites upang alamin kung may kaukulang permits ang mga trabahador nitong Chinese.