Iimbestigahan na ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pag-iwan sa crime scene ng mga pulis na sangkot sa pagpaslang sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu.
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairperson Rogelio Casurao, dapat kinordon ng mga pulis ang pinangyarihan ng insidente sa halip na abandonahin ito.
Iginiit ni Casurao na dapat napreserba ang lugar hanggang sa makarating ang mga imbestigador.
Nakasaad sa police operational procedure na importanteng mapangalagaan ng mga pulis ang pinangyarihan ng insidente para makita ng mga technical at forensic investigators ang huling nangyari.
Sinabi ni Casurao na maaaring masibak sa serbisyo ang mga dawit na pulis.
Lumalabas din sa video na ang mga sundalo ay walang armas, taliwas sa naunang pahayag ng Philippine National Police (PNP) na nagkaroon ng “misencounter.”
Aminado si Casurao na ang video ay putol dahil hindi nito nakuha ang kabuuan ng insidente pero maaari pa ring gamitin sa imbestigasyon.
Inaasahang matatapos ng NAPOLCOM ang imbestigasyon nito sa loob ng dalawang linggo.