PAG-IWAS SA SUNOG MULA SA MGA PALYADONG ELECTRICAL CHRISTMAS DECORATIONS, IPINAALALA NG BFP PANGASINAN

Pinaalalahanan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Pangasinan ang publiko na magsagawa ng maagang inspeksiyon sa kanilang mga electrical Christmas decorations upang maiwasan ang sunog ngayong papalapit ang Kapaskuhan at Bagong Taon.

Batay sa datos ng BFP para sa unang kalahati ng 2025, umabot sa 3,272 ang mga insidente ng electrical fire sa buong bansa mula Enero hanggang Hunyo, indikasyon ng mataas na panganib tuwing holiday season.

Kabilang sa mga paalala ng ahensya ang pagtiyak na maayos at hindi sira ang mga wiring, plugs, at extension cords.

Pinayuhan din ang mga residente na bumili lamang ng Christmas lights at electrical decorations mula sa lehitimong tindahan at may Import Commodity Clearance (ICC) ng Department of Trade and Industry (DTI).

Dapat iwasan ang mga dekorasyong may maninipis na wire, maluluwag na plug, at mababang kalidad na extension cord dahil maaari itong magdulot ng short circuit.

Bilang dagdag na pag-iingat, ipinayo ng BFP na huwag mag-overload ng saksakan at limitahan sa hanggang tatlong string lights lamang kada outlet upang maiwasan ang sobrang init at posibleng sunog.

Nauna nang inihayag ng ahensya ang pagsasailalim sa heightened alert status ngayong holiday season.

Facebook Comments