Nagpaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) Lingayen sa publiko na maging mas maingat sa paggamit ng apoy ngayong papasok ang dry season, lalo na sa buwan ng Marso na itinalaga bilang Fire Prevention Month dahil sa pagdami ng kaso ng sunog.
Binigyang-diin ng BFP na maaaring mauwi sa trahedya ang kahit simpleng pagsusunog ng basura nang hindi binabantayan.
Ito ay matapos ang isang insidente noong gabi ng Pebrero 5 sa isang pribadong sementeryo sa Barangay Maniboc, Lingayen.
Sa panayam ng IFM Dagupan, ayon sa BFP, nagmula ang apoy sa unattended fire at dahil nasa coastal area ang lugar, pinalala pa ng malalakas na hangin ang pagkalat ng apoy.
Wala umanong naiulat na nasirang ari-arian o nasaktan sa naturang insidente, ngunit nagsilbi itong babala sa posibleng mas malalang sunog kung hindi agad naagapan.
Kaugnay nito, hinikayat ng BFP Lingayen ang publiko na siguraduhing laging may nagbabantay sa anumang apoy at agad na i-report ang anumang senyales ng sunog sa mga bumbero. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










