PAG-IYAK NG ISANG AMA MULA SAN FABIAN HABANG HINAHATID ANG ANAK SA ALTAR, PINUSUAN NG NETIZENS

Naantig ang maraming netizens sa social media sa tagpo ng isang ama mula sa bayan ng San Fabian matapos siyang mapaiyak habang inihahatid ang kanyang anak sa altar sa mismong araw ng kasal nito.

Sa video na ibinahagi ni Oliver Magliba, makikita ang ama na marahang naglalakad kasama ang kanyang anak patungo sa altar nang hindi na niya mapigilan ang emosyon. Sa gitna ng tagpong iyon, napahinto siya at naupo muna upang pakalmahin ang sarili.

Agad naman siyang nilapitan at inalalayan ng kanyang maybahay, isang simpleng eksenang lalo pang nagdagdag ng init at lambing sa sandali.

Nasaksihan ng mga panauhin ang tahimik ngunit taos-pusong damdamin ng isang ama na may halong saya, lungkot, at pagmamahal para sa anak na kanyang ihahatid sa panibagong yugto ng buhay.

Maging ang mga netizen ay nadala rin sa emosyon matapos umabot sa mahigit 18 milyong views ang naturang video.

Ginanap ang kasal sa Crusaders of the Divine Church of Christ Philippines Inc. sa San Fabian, kung saan bukod sa pag-iisang-dibdib ng magkasintahan, naipakita rin ang pagmamahal ng isang ama na mananatiling gabay ng kanyang anak, saan man ito dalhin ng buhay. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments