Binatikos ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang napaulat na pag-leak sa personal records ng mahigit 1.2 milyong Pilipino na nakaimbak sa database ng Philippine National Police (PNP).
Bunsod nito ay inihirit ni Castro sa Mababang Kapulungan na imbestigahan ang naturang massive data hack na naglagay sa peligro ng privacy at safety ng publiko.
Dismayado si Castro na na-hack ang nabanggit na mga mahalagang impormasyon gayong dapat ay pinaka-secure ang data na nasa pag-iingat ng law enforcement agencies.
Bunsod nito ay kwestyonable na rin para kay Castro kung maiingatan ng husto ang mga data sa ilalim ng national ID system, SIM registration at ang panukalang E-governance bill.
Ipinunto ni Castro na kung kayang ma-hack ang database ng law enforcement agencies ay paano makasisigurong ligtas ang mga impormasyon ng mga Pilipino na nakalagak sa Philippine Statistics Authority (PSA).