Sinabi ni Justice Undersecretary Hermogenes Andres na walang dapat ikabahala sa kalagayan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Ito ay kasunod ng anunsyo ng Department of Justice (DOJ) na sasailalim sa 10 araw na wellness leave ang kalihim, na epektibo ngayong araw.
Ayon kay Hermogenes, nakausap niya si Remulla kaugnay dito at baka mas paiklin pa aniya ito dahil sa nakatakdang conference.
Dagdag pa ng opisyal na magpapahinga lamang ang kalihim matapos ang ilang araw na medical check-up.
Wala rin aniyang dapat ika-alarma dahil walang seryoso o malubhang sakit si Remulla.
Ang lahat naman ng mga opisyal at empleyado ay magpapatuloy rin sa kanilang mga mandato upang maging maayos ang trabaho sa DOJ.
Sa ngayon si Justice Usec. Raul Vasquez muna ang tatayong Officer-in-Charge (OIC) habang naka-leave ang kalihim.