Tila matatagalan pa bago tuluyang matanggal ang pagsusuot ng face mask at face shield sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NTF Against COVID-19 Adviser Dr. Ted Herbosa na sa ngayon ay nasa 12 milyon pa lamang ng mga Pilipino ang nabakunahan.
Sa nabanggit na bilang, 9 milyon ang nakatanggap na ng 1st dose habang 3 milyong mga Pilipino ang fully vaccinated.
Ayon kay Dr. Herbosa, maliit na porsyento pa lamang ang 4% na bilang ng mga bakunado kung ikukumpara sa target ng pamahalaan na 50% o 50 milyong mga Pinoy ang dapat mabakunahan bago tuluyang magluwag ng quarantine restrictions.
Kasunod nito, patuloy na hinihikayat ng pamahalaan ang publiko na magpabakuna lalo na ang mga senior citizen na hanggang ngayon aniya ay mataas ang vaccine hesitancy sa nabanggit na sektor.