Pag-lift ng state of calamity sa bansa, magreresulta sa pagkawala ng bisa ng EUA ng COVID-19 vaccine – DOH

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na mawawalan na ng bisa ang Emergency Use Authorization (EUA) ng mga bakuna laban sa COVID-19 kung aalisin na ang state of calamity sa Pilipinas.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ipinrisinta na ng DOH sa Inter-Agency Task Force on COVID-19 ang mga implikasyon kung aalisin na ang state of calamity, kabilang na ang epekto nito sa awtorisasyon para sa mga bakuna.

Kapag nawala na ang EUA, ang mga tao ay makakakuha lamang ng COVID-19 vaccine mula sa mga manufacturer kung mayroon itong Certificate of Product Registration (CPR) mula sa Food and Drug Administration (FDA).


Pero bago magkaroon ng CPR, kailangan munang kumpletuhin ng mga manufacturer ang Phase 4 ng kanilang clinical trial.

Paliwanag pa ni Vergeire, ang lahat ng mga bakuna sa COVID-19 mula sa stockpile ng gobyerno at pribadong sektor ay nasa ilalim ng EUA dahil sumailalim lamang sila sa pagsusuri hanggang sa ikatlong yugto ng clinical trial.

Matatandaaan na ang state of calamity declaration sa bansa ay dalawang beses nang pinalawig at nakatakdang magtapos sa Setyembre.

Facebook Comments