Inaantay ng Land Transportation Office (LTO) ang pagtanggal sa ipinataw na Temporary Restraining Order (TRO) para mai-deliver na ang 5.2 million plastic card licenses.
Ito ay upang umusad na ang government agency-to-agency procurement na inaasahang tutugon sa shortage sa pag-iisyu ng plastic card driver’s licenses.
Sa Isang media conference, sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza na natapos na itong makipag-ugnayan sa government printing office.
Humingi na ito ng formal quotation para sa inisyal na 6 million license cards.
Naisumite na aniya ito sa Department of Transportation (DOTr) na siyang magsasapinal ng “agency-to-agency arrangement” sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA).
Sa kasalukuyan, nasa 270,000 na lang ang plastic cards ang hawak ng LTO na posibleng tumagal hanggang katapusan ng Enero.
Nasa 8 million naman ang inaasahang demand ng LTO sa lisensya ngayong 2024 kabilang ang 2.6 milyong backlog.