Pag-modernize ng disease surveillance capacity ng bansa, iginiit ng isang dating health secretary sa kamara

Hiniling ni dating Health Secretary Manuel Dayrit sa gobyerno na i-modernize ang disease surveillance capacity ng buong bansa bilang short term response sa COVID-19.

Sa teleconference meeting ng House Defeat COVID-19 Committee, ipinaliwanag ni Dayrit ang kaibahan ng SARS at COVID-19 infection kung saan mas mapanganib at mas mabilis ang pagkalat ng COVID-19 kumpara sa SARS.

Noong panahon aniya ng SARS ay naging epektibo ang pagtugon ng DOH dito dahil sa maagang pag-detect sa mga kaso sa pamamagitan ng contact tracing at agad na isolation sa mga naimpeksyon.


Pero hindi na epektibo sa ngayon ang operasyon na ipinatutupad ng DOH at Epidemiology Bureau laban sa COVID-19 dahil 17 taon na ang sistemang ito bagamat nagkaroon ng improvement ay hindi naman ito makabago.

Iginiit ni Dayrit ang pagbuo ng Philippine Center for Disease Control kasabay ng pagtatayo ng laboratories para sa mass testing sa buong bansa, pagpapalakas ng primary care facilities, pagtatayo ng quarantine facilities, at critical care capacity para sa level 2 at 3 hospitals.

Hiniling ni Dayrit ang malinaw na master plan dahil ang mga nabanggit na hakbang lamang din ang naging paraan ng South Korea, Singapore at Taiwan para mapagtagumpayan at malabanan ang COVID-19.

Facebook Comments