Pag-nationalize sa buong power industry, iginiit ng isang kongresista

Iminungkahi ni House Deputy Minority Leader at ACT Teacher Party-list Rep. France Castro na i-nationalize na ang buong power industry sa halip na hayaan ito sa kamay ng pribadong sektor na kita lang umano ang habol.

Inihalimbawa ni Castro ang malawakang power outage sa Panay Island at ilang lugar sa Western Visayas.

Tahasang inakusahan ni Castro na tubo at kita ang hinahabol ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), generation companies at distribution utilities tulad ng MORE Electric and POWER Corporations kaya hindi nahadlang ang nabanggit na malawakang blackout.


Paliwanag ni Castro, ang pagpalya ng Panay Energy Development Corporation Unit 1 at 2 at ng Palm Concepcion Power Corporation Unit 1 ay dahil sa mga dati ng problema sa mga planta ng kuryente na naagapan sana kung na-upgrade o na-maintain nang maayos.

Binigyang-diin pa ni Castro na bilang system operator ay dapat 24/7 ang pagbabantay o monitoring ng NGCP upang hindi sana nangyari ang pagbagsak ng grid sa Panay.

Ayon kay Castro, may mga naglalaway na oligarchs na malapit umano sa Malacañang ang gustong makakuha sa prangkisa ng NGCP kaya dapat natin itong bantayan at sana ay ma-nationalize na para matiyak na serbisyo sa mamamayan ang magiging pangunahing layunin nito.

Facebook Comments