Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-ookupa ng China sa West Philippines Sea (WPS) ay nangyari noong administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ito ang sinabi ni Pangulong Duterte sa harap ng pagbatikos sa kanya ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio dahil sa tila pananahimik niya sa presensya ng Chinese warships at milita vessels sa lugar.
Sa kanyang Talk to the People Address, binanggit ni Pangulong Duterte ang nangyaring standoff sa Panatag Shoal noong 2012 matapos hulihin ng Philippine Navy ang walong Chinese fishing vessels.
Sinabi rin ng Pangulo na ang Estados Unidos ang nakiusap sa Pilipinas at China na umalis sa lugar.
Umalis ang mga barko ng Pilipinas sa lugar pero pinabayaang manatili ang mga barko ng Tsina doon.
Dagdag pa ng Pangulo, si dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang nakatutok sa sitwasyon noon.
Si Carpio aniya ay nananaginip at naniniwalang hihinto ang China kapag dumulog ang Pilipinas sa United Nations tribunal.
Duda si Pangulong Duterte na susunod sa China sa 2016 Arbitral Ruling ng The Hague Tribunal na napanalunan ng Pilipinas.