Pag-organisa ng mga komite, minamadali na ng Kamara para agad maaksyunan ang mga nakahaing panukalang batas

Sa loob lamang ng dalawang linggo, simula ng magbukas ang 20th Congress noong July 28 ay nakapaghalal na ang Kamara ng mga kongresistang mamumuno sa 76 mula sa 80 mga komite nito.

Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, minamadali ng Kamara ang pag-organisa sa mga komite para agad maaksyunan ang mga prayoridad na panukalang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isinusulong nitong Bagong Pilipinas.

Binanggit ni Marcos na batay sa mga nagdaang Kongreso ay inaabot ng isang buwan o higit pa ang pag-organisa ng Kamara sa mga komite.

Ayon kay Marcos, ang mabilis na organisasyon ng Kamara sa ilalim ng 20th Congress ay magbibigay ng oportunidad sa mga mambabatas upang kagyat na matugunan ang mahahalagang usaping pambansa.

Dahil nasa 95% ng organisado ang Kamara ay nakahanda na ito ngayon na simulan ang serye ng deliberasyon sa pambansang budget.

Bukod sa mga komite ay na-constitute na rin ang pagpapatuloy ng Quad Committee at natapos na rin ng Kamara ang eleksyon ng 12 miyembro sa Commission on Appointments (CA) at anim na miyembro sa House of Representatives Electoral Tribunal.

Facebook Comments