Posible umanong overpriced ang mga test kits na binili ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) sa ilalim ng Duterte administration habang nasa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Napuna ito ni Marikina City 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo sa pagdinig ng House Committee on Appropriations kaugnay sa inilipat ng pondo ng DOH sa PS-DBM na halagang P47.6 bilyon.
Ayon kay Quimbo, umaabot hanggang 500 pesos ang pagkakaiba sa presyo ng mga test kits kahit pare-pareho naman ang brand.
Paliwanag naman ni DOH Secretary Teodoro “Ted” Herbosa na sinang-ayunan ni dating Health Secretary Francisco Duque, may mga pagkakataon na nagbabago-bago ang presyo ng naturang mga test kits depende sa panahon o petsa ng pagbili.
Dagdag naman ni Duque, ang transaksyon hinggil dito ay ginawa ng PS-DBM na siyang direktang nakipag-usap sa mga supplier.
Sabi naman ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na dati ring DOH secretary, naiwasan sana ang kontrobersya kung hindi inilipat ng DOH sa PS-DBM ang pondo nito sabay puna sa kawalan ng memorandum of agreement sa pagitan ng dalawang ahensya sa kaugnay ng pagbili ng mga COVID-19 supply.