Binigyang diin ni Committee on Basic Education Chairman Senator Win Gatchalian na walang lugar sa sistema ng edukasyon ng bansa ang diskriminasyon sa mga mag-aaral ano man ang kanilang relihiyon o pinagmulan.
Ito ang mariing paalala ni Gatchalian sa Philippine National Police (PNP) matapos kumalat sa social media ang isang memorandum, kung saan ipinag-utos ng Manila Police District (MPD) ang pagkakaroon ng database ng mga mag-aaral na Muslim sa mga high school, kolehiyo, at mga pamantasan.
Base sa naturang memo, ay isinasagawa ang paglilista upang pigilin ang karahasan at panatilihin ang kapayapaan, bagay na binatikos ng mga muslim groups at ibang mga sektor.
Katwiran ni Gatchalian, iniuugnay ng memo ang mga muslim sa karahasan at pinalalala lamang ang stigma na kanilang pinagdaraanan.
Ipinag-utos na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na itigil ang paglista sa mga mag-aaral na Muslim.
Ayon kay Gatchalian, hindi na ito dapat maulit kasabay ang payo sa PNP na i-respeto ang relihiyon at kultura ng bawat komunidad at huwag magpakita ng diskriminasyon sa pagpapanatili ng kapayaan sa ating bansa.