Jones, Isabela- Kinondena ng pamunuan ng 86th IB, 502nd Brigade, 5ID, Philippine Army ang New People’s Army dahil sa kanilang pagrerekrut ng menor de edad upang sumapi sa kanila.
Ito ang nilalaman ng ipinalabas na kalatas ng 86th IB na naipamahagi sa lokal na media kasama na ang RMN News Team.
Ayon sa pahayag na 86th IB Philippine Army, noong ika-13 ng Nobyembre 2017 ay lumapit ang magpinsan na sina Oliver Molina at Roberto Dalupang Jr sa kanila upang ibuluntaryo ang kanilang pakipagtulungan sa mga kasundaluhan.
Ayon pa sa kalatas, ang dalawa ay sumuko sa militar para sa kanilang seguridad laban sa mga NPA.
At sa ginawang imbestigasyon sa dalawa ng 86th IB ay napag alamang si Roberto Dalupang Jr na isang 17 taong gulang ay apat na taon nang kasapi ng NPA at naging kasama pa sa mga naganap na sagupaan sa pagitang ng sundalo at NPA sa lugar. Kabilang na dito ang pagpatay sa dalawang sundalo na nagsasagawa ng Bayanihan sa Barangay Benguet, Echague, Isabela noong Enero 30, 2017.
At base sa naturang impormasyon na nakuha ng 86th IB sa dalawa ay patunay lamang umano na ang NPA ay lumabag sa International Humanitarian Law o IHL, Rule 136 na nagsasabing ang mga kabataan ay hindi dapat isama sa armadong pakikibaka.
Ayon pa sa 86th IB, ang paglabag na ito ay kanilang kinokondena lalo pa sa sitwasyon na imbes na nasa paaralan si Dalupang sa kanyang murang edad ay pilit umanong isiniksik sa kanyang utak ang ideolohiyang kumunista at karahasan.
Samantala sinabi naman ni Lieutenant Colonel Remigio Dulatre, Commanding Officer ng 86IB sa ginawang panayam ng RMN News Team ay kanyang ipinahayag na naging maayos ang kanilang pag-asikaso sa dalawa habang sila ay nasa kanilang kustodiya at walang nalabag sa kanilang karapatang pantao.
Magugunita na ang dalawa ay sinasabi ng KARAPATAN Cagayan Valley na mga umano’y dinukot ng militar na mga magsasaka mula sa Echague na nauna ding nilinaw ng paunuan ng 5ID na wala itong katotohanan.