Pag-regulate ng artificial intelligence sa bansa, isinusulong sa Senado

Isinusulong ni Senator Pia Cayetano ang pag-regulate sa development at paggamit ng artificial intelligence (AI) sa bansa.

Nakasaad sa Artificial Intelligence Regulation Act (AIRA) na kailangang magkaroon ng national framework na titiyak sa ligtas, responsable at ethical use ng AI na nakahanay sa pananaw na inclusive, innovative at matatag na digital future.

Tinukoy sa panukala na mayroon nang mga naunang batas sa ibang bansa patungkol sa AI tulad ng AI Act of 2024 ng European Union at maski ang United Nations ay binigyang diin ang pangangailangan para sa coordinated na global governance para maitaguyod ang rights-based, transparent at inclusive AI development.

Sa ilalim ng panukalang batas, magtatatag ng National AI Commission (NAIC) na attached agency ng Department of Science and Technology (DOST) kung saan ito ang may hurisdiksyon sa lahat ng mga bagay na may kaugnayan sa AI katulad ng development, promotion, registration at regulation ng AI.

Ang NAIC ang siya ring didinig at magdedesisyon sa mga kaso at magpapataw ng parusa laban sa mga lalabag oras na maisabatas ang panukala.

Obligado rin na irehistro sa National Registry of AI systems ang lahat ng mga AI systems na ide-develop, ide-deploy, i-import, i-o-operate at ibebenta sa bansa.

Facebook Comments