Pinapa-regulate ng isang kongresista ang “class size” o bilang ng mga mag-aaral sa bawat klase sa mga pampublikong paaralan.
Tinukoy ni Magdalo Partylist Rep. Manuel Cabochan sa House Bill 10668 na nahaharap sa iba’t ibang problema ang public schools, gaya na lamang ng kakulangan sa teaching resources at ang “overcrowding” o sobra-sobrang mga estudyante sa mga classrooms.
Sa pagdaan ng taon ay dumarami ang enrollees gayong kulang na kulang naman ang mga silid-aralan at iba pang pasilidad.
Iginigiit sa panukala ang pagkakaroon ng karapatan ng lahat sa “access” sa edukasyon.
Kapag naging ganap na batas ang panukala, magkakaroon na ng “standard class” na may isang teacher at 35 estudyante kada classroom.
Kung “large class” naman, mayroong maximum na 50 na estudyante ang bawat klase, at kapag sumobra ay hindi na ito papayagan.
Ang sinumang teacher na hahawak sa large class ay bibigyan ng honorarium na katumbas ng 1% ng arawang rate sa standard class.
Tinatayang nasa ₱5 billion ang ipinapanukalag inisyal na pondo para sa implementasyon nito, habang ang budget para sa tuloy-tuloy na pagpapairal nito ay huhugutin sa taunang pambansang pondo.