Pag-regulate sa mga online curated contents, malabo pang magawa – MTRCB

Aminado ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na malabong ma-regulate nila ang lahat ng online curated content platform services tulad ng mga x-rated na pelikula o palabas gaya na lamang halimbawa ng mga ipinalalabas sa Vivamax.

Sa pagdinig ng Senado sa budget ng MTRCB, inamin ng ahensya na marami silang natatanggap na reklamo mula sa publiko tungkol sa mga ganitong uri ng palabas sa social media at iba pang online digital platforms kasunod na rin ng naging pagtatanong tungkol dito ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada.

Magkagayunman, sinabi ni MTRCB Chairperson Diorella Maria “Lala” Sotto-Antonio na imposibleng ma-regulate ang lahat ng online curated contents dahil malabong ma-review ang bawat materyal bago ipalabas sa mga screens o sinehan.


Paliwanag ni Sotto-Antonio, “humanly impossible” na ma-review nila ang mga ganitong palabas sa online at digital platforms dahil 31 lamang ang mga board members at aabot ng libo-libo hanggang milyon ang mga materyal na kailangang i-review at hindi ito kakayanin ng MTRCB.

Dagdag pa ni Sotto-Antonio, hindi rin kasi sakop ng kanilang mandato ang pagre-review sa mga online curated contents subalit kumikilos na sila sa MTRCB para magkaroon ng kontrol sa mga ganitong palabas.

Ikinakasa na aniya ng MTRCB ang pakikipag-ugnayan sa mga online streaming apps na may online curated content providers sa pamamagitan ng paglalagay ng safeguards at feedback mechanism sa mga palabas na makakatulong sa MTRCB bilang regulator.

Facebook Comments