Iginiit ng isang University of Santo Tomas (UST) Media and Law expert na walang kapangyarihan ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na i-regulate ang Netflix at iba pang streaming apps.
Ayon kay Atty. Enrique dela Cruz Jr., hindi maaaring gawin at imposible ito.
Sa kasalukuyan kasi aniyang batas, walang kapangyarihan ang MTRCB na i-regulate ang internet o yung mga over the top streaming services, dahil limitado lang sa pelikula at telebisyon ang saklaw ng MTRCB.
Kahit pa nga aniya gumawa ng bagong batas, naniniwala pa rin si Atty. Dela Cruz na hindi pa rin nito kayang i-regulate ang internet.
Kasabay nito, nilinaw ni MTRCB Chairperson Maria Rachel Arenas na hindi nila tinatapakan ang karapatan ng mga mamamayan kasunod ng planong i-regulate ang mga video platforms tulad ng Netflix.
Nagiging gabay lang kasi aniya ito para turuan ng tamang asal ang mga Pilipino na kadalasang natututuhan nito sa panonood.