Target ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na i-regulate ang social media na kadalasang platapormang ginagamit ng mga terorista para makapanghikayat ng miyembro.
Ito ang sinabi ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Gilbert Gapay kasunod ng kontrobersyal na Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act.
Ayon kay Gapay, maglalagay ng inputs ang ahensiya sa ilang social media sites para mabantayan ang umano’y mga teroristang nanghihikayat sa publiko.
Imumungkahi rin ng AFP ang mekanismo laban sa banta ng terorismo sa bansa.
Kasabay nito, hindi naman pabor si Bayan Muna Partylist Representative Ferdinand Gaite sa nais ni Gapay na gamitin ang ilang probisyon sa Anti-Terror Law para makontrol ang social media.
Aniya, itinuturing na cyber tokhang at cyber martial law ang nais ni Gapay na pagkontrol sa social media.
Ang paggamit kasi ng batas na hindi malinaw gaya ng Anti-Terror Law para saklawin pati ang nilalaman ng social media, ay nangangahulugang martial law sa cyber space.
Samantala, nilinaw ni Muntinlupa City Representative Ruffy Biazon na hindi saklaw ng Anti-Terror Law ang balak ni Gapay na i-regulate ang social media.
Giit ni Biazon, walang probisyon sa Anti-Terror Law na nagpapahintulot sa pamahalaan na i-regulate ang social media dahil walang intensiyon ang mga mambabatas na sumuway sa Freedom of Expression and Right to Privacy.