Manila, Philippines – Todo-depensa ngayon ang Palasyo ng Malacañang sa pag-reject o pagbasura ng pamahalaan sa ilang rekomendasyon ng United Nations Human Rights Council kaugnay sa mga nangyayaring patayan sa bansa na may kaugnayan sa war on illegal drugs ng pamahalaan.
Nabatid na isa sa rekomendasyon ng UNHRC ay makapunta dito sa Pilipinas si UN rapporteur Agnes Callamard para magsagawa ng sarili nitong imbestigasyon sa umano ay Extra Judicial Killings sa Bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, ang pagtanggi ng Pilipinas sa ilang rekomendasyon ng UNHRC ay isang paraan ng pagsasabi ng gobyerno na walang nangyayaring EJK sa Pilipinas.
Binigyang diin pa nito na prerogatibo din ito ng gobyerno dahil na rin sa ipinatutupad na independent foreign policy.
Paliwanag pa ni Abella, mayroon talagang mga usapin na hindi dapat pinanghihimasukan ng ibang international organization.
Pero sinabi din ni Abella na mayroong imbitasyon si Pangulong Duterte sa UN Human Rights Council na magpunta sa Pilipinas at magtayo ng opisina at sumama sa nga police operations upang malaman nito ang sitwasyon ng mga pulis at operasyon ng iligal na droga sa bansa.