
Umaapela ang mga miyembro ng minorya sa Kamara kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos na sertipikahang urgent ang House Bill 4453.
Ito ang panukalang batas na magbibigay ng higit na kapangyarihan sa independent commission na mag-iimbestiga sa maanumalyang mga proyektong pang-imprastraktura pangunahin ang flood control projects.
Suportado at ginagalang ng Minority Bloc ang pagbuo ni PBBM sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa bisa ng Executive Order No. 94 pero giit nila limitado lang ang kapangyarihan nito at kayang gawin.
Kabilang sa may-akda ng panukala sina Representatives Adrian Amatong, Kaka Bag-ao, Perci Cendaña, Chel Diokno, Egay Erice, Jaime Fresnide, Dadah Ismula, Cielo Lagman, Henry Marcoleta, Eli San Fernando, Alfondo Umali, Marie Montes at Leila De Lima.
Giit nila kung itatag sa pamamagitan ng batas ang ICI ay mas masisiguro ang pagiging malaya nito, permanente at may sapat na mandato.









